Napatay ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Western Samar (Arnulfo Ortiz Command) ang dalawang sundalo ng Intelligence Service of the AFP (ISAFP) at Military Intelligence Batallion (MIB) sa ilalim ng 8th ID sa isang labanan. Naganap ang labanan ala-1:32 ng madaling araw sa Barangay Babaclayon, San Jose de Buan, Samar.
Ayon sa ulat ng BHB-Western Samar, dalawang mandirigma nito ang nakipagpalitan ng putok sa mga tropa ng 8th ID. Nasa komunidad sila para konsultahin ang masang sinasalanta ng militarisasyon ng mga sundalo.
Hindi bababa sa 20 tropang militar ang tatlong araw nang nag-ooperasyon sa naturang komunidad nang araw na iyon. Sa kabila ng malaking presensyang militar, mapangahas na pumasok ang mga Pulang mandirigma para magpatupad ng rebolusyonaryong gawain.
Noong madaling araw ng Disyembre 3, pinalibutan ng mga operatibang paniktik ng ISAFP/MIB ang bahay na kanilang tinuluyan at pilit silang pinasusuko. Sa harap nito, siniguro ng mga kasama ang kaligtasan ng mga sibilyan, at ligtas na pinalabas ng bahay ang buong pamilya.
Kasunod nito, nagpaputok ang isang Pulang mandirigma sa mga sundalo na kanilang ikinagulat. Ayon sa BHB-Western Samar, sa mismong harapan ng mga kaaway dumapa ang Pulang mandirigma habang nagpapaputok ng kanyang dalang pistola. Sa mga sandaling iyon, siya lamang ang may dalang baril at walang armas ang kanyang kasama. Dalawang pasistang tropa ang napatay sa harapang labanan.
Para makatakas, tumalon ang dalawang Pulang mandirigma palabas ng bahay habang pinapuputukan ng kaaway. Mabilis na nakawala sa kubkob ng mga sundalo ang dalawang Pulang mandirigma.
“Ipinakita ng mga kasama ang ibayong katapangan, kapangahasan at matibay na paninindigang hindi sumuko o yumukod sa kaaway kahit sa harap ng imbing kamatayan,” pahayag ni Ka Tirado Dagohoy, tagapagsalita ng BHB-Western Samar. Iniulat rin ng tagapagsalita na ligtas ang dalawa at nagtamo lamang menor na tama ng bala ang isa.
“Ang mga peklat na iiwan nito sa kanyang katawan ay magsisilbing tatak na medalya ng katapangan at kagitingan na dala-dala niya habang buhay dahil sa ipinakita niyang tibay ng loob na hindi natinag sa harap ng maraming kaaway,” pahayag ni Ka Tirado. Dagdag niya, magsisilbing huwaran sa maraming kasama ang ipinakitang tapang at kagitingan ng dalawang mandirigima sa pakikipaglaban sa harap ng imbing panganib at banta sa kanilang buhay.
Aniya, malayong-malayo ang katapangan ng mga ito sa mga nagtraydor na mistulang asong nabahag ang buntot sa harap ng kaaway na mas pinili pa ang sumurender at magpagamit sa maitim na hangaring pinsalain ang kilusan at masa. “Ang tunay na hukbo ng mamamayan ay laging ipinauuna ang kapakanan ng masa at kailanman ay ‘di nagkakanuli sa masang pinaglilingkuran,” dagdag pa ni Ka Tirado.
Nagpaabot rin ng pagbati at pagkilala sa dalawang Pulang mandirigma ang Panrehiyong Kumand sa Operasyon ng BHB sa Eastern Visayas. “Kapuri-puri ang mga Pulang mandirigma ng BHB-Western Samar na sa buhay-at-kamatayang sitwasyon at lantarang pagpapasuko ng kaaway, ay mahigpit pa ring pinanghawakan ang pagtitiyak sa kagalingan ng mamamayan at hindi isinuko ang pagsisilbi sa masa at rebolusyon,” pahayag ni Ka Karlos Manuel, tagapagsalita ng panrehiyong kumand.
Samantala, binatikos ni Ka Karlos ang nilubid na kasinungalingan ng 8th ID na ginawang “human shield” ng BHB-Western Samar ang isang bata. Taliwas ito sa katotohanan ang BHB ang nagtiyak na ligtas na nakalabas ng bahay ang pamilya, aniya.
Sa pagkapahiya at pagkatalo, kabi-kabila ang pamamahayag ng 8th ID at maging ng Philippine Army sa pagkatamay ng dalawa nitong sundalo. Muli nitong pinasinungalingan ang pahayag ni Ferdinand Marcos Jr noong Hulyo na “wala nang grupong gerilya sa bansa.”
The post 2 sundalo ng ISAFP at MIB, napatay sa engkwentro sa BHB-Western Samar appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

