Nagsama-sama ang mga taong-simbahan at lider-relihiyoso ng iba’t ibang denominasyon at pananampalataya, kasama ang mga abugado, tagapagtanggol ng karapatang-tao at organisasyong masa ng Mindanao para sa Mindanao Human Rights Summit. Inilunsad ito noong noong Disyembre 9-10 sa Davao City kung saan dumalo ang 242 delagado.

Itinaon ang pagtitipon sa paggunita sa ika-77 Internasyunal na Araw ng Karapatang-tao. Nakiisa rito ang mga lider mula sa mga simbahang bahagi ng National Council of Churches in the Philippines (NCCP) at Simbahang Katoliko, mga lider-Muslim at mga Lumad.

Sa unang araw ng pagtitipon, umikot ang mga talakayan sa temang “Let Justice Roll in Mindanao: Upholding Rights, Resisting Oppression” (Hayaang gumulong ang hustisya sa Mindanao: Itaguyod ang Karapatan, Labanan ang Pang-aapi). Nagbigay ng presentasyon si Atty. Karlo Zarate ng National Union of People’s Lawyers sa kalagayan ng karapatang-tao sa bansa.

Sa ikalawang araw, isinagawa ang pangkalahatang asembliya at paglulunsad sa Pakighiusa sa Anawim-Mindanao (Panaw-Mindanaw). Binubuo ito ng mga taong-simbahan, katutubong mamamayan, abugado, myembro ng akademiya, kababaihan at kabataan.

Ang bagong tatag na grupo ay isang organisasyong layuning bigyang tinig at hustisya ang mga biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao sa Mindanao. Isusulong ng Panaw-Mindanw ang pagtatanggol sa buhay at dignidad hindi lamang sa usaping pampulitika at panlipunan, kundi sa larangan ng kultura at ekonomya.

Ayon kay Zarate, ang mga paglabag sa karapatang-tao ay paulit-ulit at inaasahan na mangyayari sa Mindanao dahil sa hitik na likas na yaman ng isla na pinakikinabangan ng iilan. “Kapag lumalaban ang mamamayan, gumagamit ng pwersa ang mayayaman, na nagreresulta sa paglabag sa karapatang-tao,” aniya.

Dagdag niya, ang pinakamainam na paraan para suportahan ang mamamayan ng Mindanao ay sa pakikipagkaisa sa mga bulnerableng sektor ng lipunan. “Hindi lamang dapat islogan ang hustisya. Nagiging tunay lamang ito sa panahong tumitindig tayo kasama ang mga naging biktima ng inhustisya,” pahayag niya.

“Para sa Panaw-Mindanaw, ang katotohanan ng militarisasyon, climate change, karahasan sa kababaihan at korapsyon ay nagsisiwalat sa iba’t ibang mukha ng pagyurak sa dignidad ng tao sa Mindanao,” ayon kay Bishop Rhee Timbang, Obispo ng Surigao at dating Obispo Maximo ng Iglesia Filipina Independiente (IFI).

Sa pagtatapos ng dalawang araw na pagtitipon, lumahok ang mga delegado sa inilunsad na kilos-protesta ng Karapatan-Southern Mindanao sa Freedom Park sa syudad noong hapon ng Disyembre 10 para sa Internasyunal na Araw ng Karapatang-tao.

The post Higit 200 katao, nagtipon para sa Mindanao Human Rights Summit appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.