Pulang saludo at pagbati ang ipinaaabot ng Arnulfo Ortiz Command sa dalawang Pulang mandirigma sa kanilang magiting na pakikipaglaban sa mga pwersa ng Intelligence Serice of the AFP (ISAFP) at Military Intelligence Batallion (MIB) sa ilalim ng 8th Infantry Division sa Barangay Babaclayon, San Jose de Buan noong Disyembre 3, ala-1:32 ng madaling araw.
Bago pa pumasok sa baryo, batid na ng dalawang kasama na may 20 kaaway sa loob ng baryo, tatlong araw na ang tagal, pero dahil sa tawag ng rebolusyonaryong gawain mapangahas pa rin silang pumasok sa baryo.
Habang naroon, pinalibutan ng mga operatibang intel ng ISAFP/MIB ang bahay na kanilang tinuluyan at pilit silang pinasusuko. Siniguro muna ng mga kasama ang kaligtasan ng mga sibilyan, at ligtas na pinalabas ng bahay ang buong pamilya.
Naunang namutok ang isang kasama na ikinagulat ng kaaway. Sa mismong harapan ng mga kaaway dumapa ang Pulang mandirigma habang namumutok ng kanyang dalang pistola. Sa mga sandaling iyon, siya lamang ang may dalang baril at walang armas ang kanyang kasama. Sa harapang labanan na iyon ay dalawang pasistang tropa ang napatay ng kasama. Tumalon ang dalawang Pulang mandirigma palabas ng bahay habang pinapuputukan ng kaaway at mabilis na nakawala sa kubkob nito.
Ipinakita ng mga kasama ang ibayong katapangan, kapangahasan at matibay na paninindigang hindi sumuko o yumukod sa kaaway kahit sa harap ng imbing kamatayan. Dalawang menor na tama ng pistola ang natamo ng kasamang nakabaril sa pakikihamok sa maraming kaaway. Ang mga peklat na iiwan nito sa kanyang katawan ay magsisilbing tatak na medalya ng katapangan at kagitingan na dala-dala niya habang buhay dahil sa ipinakita niyang tibay ng loob na hindi natinag sa harap ng maraming kaaway.
Magsisilbing huwaran sa maraming kasama ang ipinakitang tapang at kagitingan ng dalawang kasama sa pakikipaglaban sa harap ng imbing panganib at banta sa kanilang buhay. Dapat silang maging huwaran sa matapang na pakikihamok sa kaaway at di tulad ng ilang nagtraydor na mistulang asong nabahag ang buntot sa harap ng kaaway na mas pinili pa ang sumurender at magpagamit sa maitim na hangaring pinsalain ang kilusan at masa. Ang tunay na hukbo ng mamamayan ay laging ipinauuna ang kapakanan ng masa at kailanman ay ‘di nagkakanuli sa masang pinaglilingkuran.
The post Pulang saludo sa dalawang Pulang mandirigma sa matagumpay na aktibong depensa sa Babaclayon! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

