Pulang saludo at mataas na pagpupugay ang ipinapaabot ng Rodante Urtal Command kay Mormor “Ka Turing” Martines Arnesto, isa sa mga nabuwal sa desperadong aerial strike ng pasistang JTF-Storm at 78th IB sa bukirin na saklaw ng Nipa, Palapag, Northern Samar nitong nagdaang Nobyembre 29, alas-dos ng madaling araw. Kasamang nabuwal ni Ka Turing ang kanyang asawang si Presilda “Ka Hilda” Gerbon. Nakikidalamhati kami sa kanilang naulilang mga anak, pamilya, kapwa naninindigang magsasaka at mga naging kasama sa yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Maihahalintulad ang pambihira at natatanging kakayanan ni Ka Turing sa karater na si Dersu Urzula na pelikulang gawa ni Akira Kurusawa. Si Ka Turing ay napakahusay sa tereyn at pangangaso. Ang kahusayang ito ay napaunlad at napanday ng ilang dekadang pagyakap sa kanyang uri bilang magsasaka at bilang rebolusyonaryo.

Ipinanganak si Ka Turing at lumaki sa bukiring nasa laylayan ng Mount Bubuyaon na sumasaklaw sa bayan ng Palapag, Mapanas at Catubig. Nagsilbi itong bagong tahanan ng mga nagresetol na magsasaka mula sa Canonghan, Palapag noong 1979 dahil sa pasistang atake kabilang ang pagpaslang sa noo’y kapitan ng barangay na si Domie Capangpangan at pagsunog sa kabahayan ng mga magsasaka ng 60 PC Batallion.

Sa resetol at sa bukirin, hindi lamang napanday si Ka Turing ng kolektibong pagkilos para sa pagpapaunlad ng produksyon at iba pang mga gawain, napanday din ang kanyang kasanayan sa pagkabisa at pagbasa ng tereyn hanggang sa mga kasuluksulukan. Mahusay din na mangangaso si Ka Turing. Maliban sa Mount Bubuyaon, kabisado din niya ang tereyn ng Mount Pamakyasan, ang bundok na sumasaklaw sa mga barangay ng Sangay, Capacujan, Nipa at Maragano ng Palapag kung saan nagmula ang pamilya ng kanyang ina.

Pagkatapos mapatalsik ang noo’y diktadurang Marcos Sr, ibinukas ang pagbabalik ng mga nagresetol sa kanilang baryo. Ngunit, nanatili ang pamilya ni Ka Turing sa bukirin dahil sa kanilang kabuhayan at ang hindi lubusang pagtitiwala sa pangako ng reaksyunaryong estado na paggalang sa karapatang pantao.

Muling nakaranas ang mga magsasaka kabilang ang pamilya ni Ka Turing ng pasistang atake noong 1993-1994, panahon ng pasistang Captain Bilion. Niransak, hinalughog ang kanilang bahay sa bukirin, ninakaw ang kanilang mga alagang hayop at kagamitan. Hinuli rin ang kanyang ina ng mga pasistang tropa.

Naging kasapi si Ka Turing ng Milisyang Bayan (MB) at kalauna’y ng Partido. Bilang kasapi ng Partido, naging aktibo siyang kasapi ng MB at higit na ipinamalas ang husay at kasanayan sa tereyn, gayundin ang mahusay na pagbasa sa kilos ng kaaway sa panahon ng mga pankombat na operasyon. Malaki ang ginampanang papel niya sa pagbibigay ng kaalaman sa mga kasapi at kumand BHB sa mga bagong ruta at maaring himpilan. Hindi rin matatawaran ang ilang beses niyang pagtulong para imaniobra ang BHB sa tangkang pagkubkob at pag-atake ng kaaway. Sa baryo, kabilang si Ka Turing sa aktibong gumagampan ng gawaing rekon at pag-aalam sa paligid para sa seguridad ng masa.

Bilang tao at rebolusyunaryo may mga kahinaan din si Ka Turing sa pagpapanibagong hubog. Nagresulta ito sa isang pagkakamali sa kapwa niya magsasaka, na lubos naman niyang kinilala. Sa kabila ng ilang pagmamaliit sa kanya, ibinukas niya ang kanyang sarili sa imbestigasyon at kasunod na desisyon bilang hakbangin sa kanyang pananagutan, na sinikap naman niyang pagsilbihan.

Sa pagsuko ng traidor at nakumbert ng kaaway na si Rimando “Dudong” Baluya noong 2020 at ang kasunod na pasistang atake han 20th IB sa mga magsasaka sa kanilang baryo, kabilang si Ka Turing sa mga hindi nagpalansi. Nanatili siyang matatag, nagpatuloy sa gawaing-bukid at mga rebolusyunaryong gawain.

Dahil sa angking kakayanan at kaalaman sa tereyn ni Ka Turing, gayon na lamang ang desperadong pagsisikap ng pasistang militar para pasukuin siya at gamitin laban sa kilusan. Noong 2023, sinalakay ng armadong pwersa ng 74th IB ang kanilang bahay sa kanilang produksyon sa bahaging “447”. Iligal na inaresto, tinakot, idinitine sa kampo ang kanyang asawang si Ka Hilda at apat na anak kabilang ang tatlong menor de edad. Ginawang hostage at pain ng 74th IB at MTF-Elcac ang kanyang pamilya para piliting sumuko si Ka Turing. Tinangka pang ikumbert bilang asset ng militar ang kanyang asawa na si Ka Hilda.

Hindi natinag at sumuko si Ka Turing. Maliban sa lagi siyang nagtitiwala sa payo ng kanyang mga kapwa naninindigan at kolektibong magsasaka, pinatibay din si Ka Turing ng pagmamahal sa kanyang uri at ang paniniwala sa kawastuhan ng pagrerebolusyon. Ginabayan niya si Ka Hilda na makalabas mula sa panhohostage ng kaaway, gayundin ang kanyang mga anak. Pagkatapos nito ay nagdesisyon silang buong panahong kumilos sa BHB. Pormal silang idineklara bilang myembro ng BHB noong Marso 2024.

Pinatunayan ng kasaysayan ng buhay ni Ka Turing, anuman ang kanyang mga pagkukulang, higit na matingkad ang iginugol niyang panahon at paggamit sa kanyang napakapambihira at espesyal na kaalaman para sa rebolusyon. Ipinakita niya ang determinasyon, tapang at pagiging matapat sa masang magsasaka at sa rebolusyunaryong adhikain. Hindi tulad ng ibang nagmamaliit sa kanya, hindi tumalikod at nagtaksil si Ka Turing gaano man kahirap ang mga sakripisyo. Hanggang sa kanyang huling hininga, binigo niya ang kaaway na gamitin ang kanyang kakayahan laban sa masang magsasaka at sa rebolusyon.

The post Mataas na Pagpupugay kay Mormor Arnesto, ang “Dersu Urzula” ng Bagong Hukbong Bayan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.