Sa iba’t ibang bahagi ng bansa, nagmartsa ang libu-libong Pilipino para gunitain ang ika-77 Internasyunal na Araw ng Karapatang-tao noong Disyembre 10. Pinangunahan ng Karapatan at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang mga pagkilos sa Maynila, at sa 14 na iba pang mga syudad at prubinsya.
Ang taunang paggunita sa Internasyunal na Araw ng Karapatang-tao ay nagmula sa pagpapatibay ng United Nations General Assemby sa Resolusyon 217 noong Disyembre 10, 1948. Binuo dito ang Unibersal na Deklarasyon ng Karapatang-tao na kumikila na lahat ng tao, anuman ang lahi, kasarian, relihiyon, o nasyonalidad, ay may pantay-pantay na likas na dignidad at karapatan.
Sa Maynila, libu-libo ang lumahok sa pagtitipon at programa sa Liwasang Bonifacio, na sinundan ng martsa patungong Mendiola. Maliban sa mga organisaysong nakabase sa National Capital Region, nakiisa sa protesta sa kabisera ang mga grupong mula sa mga prubinsya ng Southern Tagalog. Nagkakaisang panawagan ng mga grupo at sektor: “Wakasan ang pasista, korap, at pahirap na rehimeng US-Marcos Jr!”
Kinundena nila ang matitinding paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas (international humanitarian law o IHL) ng rehimeng US-Marcos. Nagpahayag din sila ng galit laban sa malawakang burukratikong korapsyon sa gubyerno.
Noong Mayo 2025, ipinatupad ng rehimeng Marcos ang National Action Plan for Unity, Peace, and Development (NAP-UPD) 2025-2028. Ito ang naging balangkas ng pinatinding pampulitikang panunupil laban sa mamamayang Pilipino. Pangunahin itong ipinatutupad ng National Task Force-Elcac.
Sa tala ng Karapatan, hindi bababa sa 11 milyong Pilipino ang naging biktima ng paglabag sa karapatang-tao ng mga pwersa ng estado sa ilalim ng rehimeng Marcos. Kabilang dito ang mga biktima ng ekstra-hudisyal na pagppatay, sapilitang pagkawala, arbitraryong pag-aresto, sapilitan o pekeng pagpapasuko, walang habas na pamamaril at pambobomba, sapilitang paglikas at pagbabanta, panliligalig at pananakot, kabilang ang red-tagging.
Nananatili ring nakakulong ang hindi bababa sa 696 na bilanggong pulitikal na kung saan 163 sa kanila ay inaresto sa ilalim ni Marcos. Sa kabuuang bilang ng mga bilanggong pulitikal, 136 ang kababaihan, 93 ang matatanda, at 89 ang maysakit. Mayroong ding nakakulong na 12 konsultant at istap ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) para sa negosasyong pangkapayapaan.
“Ang mga salot na ito ay dagdag na pahirap sa mga magsasaka, manggagawa at panggitnang uri na matindi nang dumaraing sa talamak na krisis sa ekonomya,” pahayag ng Karatapan. Pinatitindi pa umano ito ng panganib ng pinasisiklab na gera ng US laban sa katunggali nitong sa China sa harap ng mga girian sa West Philippine Sea.
Sa pagtatapos ng protesta sa Mendiola, sinunog ng mga grupo ang effigy nina Marcos at Sara Duterte na inilarawan bilang hari at reyna ng pasismo at korapsyon sa bansa. Ipinakita ng effigy na mayroong dala-dalang mga armalayt sina Marcos at Duterte habang nakaupo sa mga maleta na simbolo ng korapsyon.
Sa iba pang bahagi ng bansa, inilunsad ng mga grupo at sektor ang mga protesta at aktibidad.
Sa Baguio City, pinangunahan ng Cordillera Human Rights Alliance (CHRA) ang martsa at pagtitipon. Daan-daan ang nakiisa sa inilunsad na programa, eksibit at gabi ng kultural na pagtatanghal sa Malcolm Square.
Sa Tabuk City sa Kalinga, nagsagawa ng prayer rally ang Justice and Peace Advocates of Kalinga (JPAK), mga organisasyong masa, Apostolic Vicariate of Tabuk, United Church of Christ in the Philippines-Tabuk, at Episcopal Church of the Philippines. Sa martsa, inirehistro nila ang matinding pagtutol sa korapsyon at pasismo ng rehimeng Marcos. Sinundan ito ng isang porum.
Sa Mountain Province, nagkaroon ng isang porum ang mga grupo sa karapatang-tao at organisasyon masa. Naging pagksa ng talakayan ang matinding korapsyon at mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa prubinsya.
Sa Ilocos Norte, nagpiket ang Kaammoyo ti Kappia (KTK) kasama ang grupo ng magsasaka na Alyansa dagiti Mannalon iti Ilocos Norte at mga mangingisda na Daklis sa Laoag City. Muli nilang inilahad ang panawagan ng mga magsasaka at mangingisda ng prubinsya na makipagdayalogo sa lokal na gobyerno para sa kanilang mga hinaing.
Sa Central Luzon, pinangunahan ng mga panrehiyong balangay ng Karapatan at Bayan ang mga pagkilos sa Tarlac, Nueva Ecija at Bulacan. “Ang mga protestang ito ay tugon sa tumitinding pag-atake sa mga sibilyan at tagapagtanggol ng karapatang-tao sa buong rehiyon,” ayon sa Karapatan-Central Luzon. Anila, hindi sila mapatatahimik, hindi sila masisindak at hindi sila yuyuko sa mga pagtatangka ng rehimeng Mrcoss na busalan sila.
Sa Bicol, inilunsad ng mga demokratikong orgnaisasyon ang pagkilos sa Legazpi City sa Albay at sa Naga City sa Camarines Sur. Bago ang programa sa Peñaranda Park sa Legazpi City, nagkaraban ang mga grupo sa syudad.
Sa Panay, daan-daan ang kumilos sa Iloilo, Aklan at Capiz sa pangunguna ng Panay Alliance Karapatan at Bayan-Panay. Daan-daan ang nagmartsa sa Iloilo City na nagtapos sa isang programa sa harap ng Iloilo Provincial Capitol. Sa Capiz, halos 200 Capizeño ang nagprotesta sa Plaza Bandstand sa Roxas City. Sa Akla, nagprograma naman ang mga grupo sa isang plasa sa Kalibo City.
Sa Bacolod City, nagmartsa ang iba’t ibang sektor sa pangunguna ng One Negros Ecumenical Council (ONE-C), Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA)-Negros, at Human Rights Advocates in Negros (HRAN). Nagmartsa sila sa syudad at naglunsad ng programa sa Bacolod City Public Plaza Replica.
Sa Cebu City, nagtipon ang mga grupo sa Fuente Osmeña Circle para sa kilos-protesta. Nagmartsa ang mga grupo at dumaan at nagprograma sa Police Regional Office 7 kung saan binatikos nila ang panunupil ng pulis at militar sa mamamayan. Tinapos nila ang martsa sa Colon Street.
Sa Davao City, nagkasa ng programa ang mga grupo sa Freedom Park. Inilunsad rin sa syudad ang dalawang araw na Mindanao Human Rights Summit noong Disyembre 9-10 na nakapagtipon ng higit 300 delegado mula sa buong Mindanao. Pinangunahan ang aktibidad ng Pakighiusa sa Anawim (Panaw)-Mindanao.
Samantala, nagpahayag ng suporta sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino para sa karapatang-tao ang International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP). Nanawagan ang pandaigdigang grupo sa internasyunal na mga organisasyon at institusyon na makiisa sa mga Pilipino sa pagpapanagot sa rehimeng Marcos at pakikibaka ng bayan para sa demokrasya at pagtatanggol sa karapatang-tao.
The post Libu-libong Pilipino, nagmartsa para gunitain ang Internasyunal na Araw ng Karapatang-tao appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

