Matagumpay na nabawi ng grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) noong Disyembre 10 ang nasa mahigit 20 dyip at van na iligal na in-impound o kinumpiska ng Land Transportation Office (LTO). Ginamit ang mga sasakyan papunta sa pambansang pagkilos laban sa korapsyon noong Nobyembre 30 sa Luneta, nang tiketan ng kapulisan nang walang batayan ang mga drayber at kumpiskahin ang kanilang mga sasakyan.

“Malinaw na bahagi ito ng panggigipit at pagpigil sa karapatang magprotesta kontra sa korapsyon ng rehimeng Marcos at Duterte. Mula pa talaga sa ahensyang pugad mismo ng korapsyon, ang LTO,” paliwanag ni Piston.

Naglunsad ng protesta ang grupo noong Disyembre 2, 5 at 9 sa LTO Central Office sa Quezon City. Noong Disyembre 9, pagkatapos ng protesta ay nagtayo ng mga tolda ang grupo para maglunsad ng vigil sa labas ng ahensya. Dahil dito, napilitan si Markus Lacanilao, Assistant Secretary ng (LTO) na harapin ang mga drayber. Sa dayalogo, nangako ang ahensya na ibabalik ang mga sasakyan sa Disyembre 10 at na walang babayarang multa ang mga drayber.

Kinundena din ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang kumpiska ng mga sasakyan. Anito, napakabilis ng nasa awtoridad na mag-impound ng mga sasakyan ng naghihikahos na mga drayber, habang nagbubulag-bulagan sa bilyun-bilyong perang ninakaw na mga nasa kapangyarihan.

“Wala na ngang makain ang mga drayber dulot ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng bilihin at gasolina, kinuha pa ang tanging gamit nila para mabuhay,” pahayag ng grupo.

Ayon sa Piston, marami pang isyu na kailangan nilang ilaban, kabilang ang limang taong prangkisa para sa mga drayber, parerehistro, pagpapabasura sa mga labis-labis na multa, at pagpapababa sa presyo ng langis. Kailangan din panagutin lahat ng mag kurakot, kasama ang pinaka-ulo, sina Marcos at Duterte.

The post Mga kinumpiska na sasakyan noong Nobyembre 30, nabawi ng mga drayber appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.