Inianunsyo ng Wyeth Philippines Progressive Workers Union noong Disyembre 9 ang pormal na pagsasara at pagkamit ng kaisahan sa negosasyon para sa collective bargaining agreement sa pagitan nito at ng maneydsment ng Wyeth-Nestle.
Sa ulat nito, sinabi ng unyon na matagumpay nitong naigiit ang dagdg sahod na P6,000 dagdag sahod, 43% mas mataas kumpara sa nakaraang CBA. Nakamit din ng unyon ang P30,000 signing bonus at mga benepisyong muling ipinaglaban ng sama-samang pagkilos.
“Binigwasan natin ang barat, ang pananakot, at ang pagsikil sa ating karapatan—at tayo ang nagwagi,” pahayag ng unyon.
Bago nakamit ang pagkakaisa, tinangka ng maneydsment na bawasan ang sahod at mga premium o kontribusyon ng kumpanya sa mga benepisyo ng mga manggagawa tulad ng social security. Ginipit din nito ang mga manggagawa at kanilang unyon sa pamamagitan ng paggipit sa pondo ng unyon.
“Sa ating kampanyang CBA, tampok na sinuong natin ang pagkaganid sa tubo ng Wyeth-Nestle,” pahayag ng unyon. Kabilang sa mga hakbang ng kumpanya ang pagpapatupad nito ng flexible labor policy sa pamamagitan ng clustering. Dagdag dito, hinarap ng mga manggagawa ang ilang taon ding panggigipit ng gubyerno at ng kumpanya gamit ang NTF-ELCAC.
“Pinilit tayong patahimikin, pahinain, at pagwatak-watakin—pero tumindig tayo,” ayon sa kumpanya.
Sa ngayon, kinakaharap pa rin ng mga manggagawa ang iskemang clustering na nagdadagdag ng trabaho sa kanila nang walang karampatang kompensasyon. Habang nananatiling mababa ang kanilang sahod, tumataas ang presyo ng mga bilihin, dumarami ang kontraktwal at may banta pa ng tanggalan.
Plano ng unyon na tuluy-tuloy na isagawa ang sama-samang pagkilos laban sa clustering at isulong pa ang mga karapatan at kagalingan ng mga manggagawa sa saklaw nito.
The post CBA ng Wyeth-Nestle at unyon ng mga manggagawa, tagumpay na naisara appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

