Kinundena ng mga grupo ng tagapagtanggol sa karapatang-tao at katutubong mamamayan ang pagdukot at pagtortyur ng 76th IB sa isang babaeng Mangyan-Iraya sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro noong Disyembre 2. Kinilala ang biktima na si Dolores Mariano Solangon, 47 taong gulang.
Ayon sa ulat ng Defend Mindoro, si Solangon ay pinalibutan ng 60 sundalo ng 76th IB ng ala-1:30 ng hapon sa araw na iyon at dinukot. Kasunod nito ay itinali siya sa isang puno at ipinailalim sa interogasyon hanggang alas-4:00 ng hapon.
Matapos nito ay dinala siya sa mabundok na erya at muling ipinailalim sa tortyur hanggang alas-9:00 ng gabi. Pinaghukay rin siya ng lupa para sa sariling libingan at binantaang papatayin kung tatakas.
Anang grupo, ang kaso ni Solangon ay dagdag sa napakahaba nang listahan ng mga paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas ng mga sundalo laban sa katutubong Manyan. “Mahigpit naming kinukundena ang karahasang ito ng 76th IB sa isang sibilyan na isinapanganib ng kampanyang kontra-insurhensya ng rehimeng Marcos,” dagdag ng grupo.
Nagpahayag din ng pagbatikos ang Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas at BAI Indigenous Women’s Network sa karahasang militar. Anang grupo, hindi lamang ang partikular na yunit ng 76th IB ang may pananagutan kundi ang mismong Armed Forces of the Philippines at si Ferdinand Marcos Jr bilang kumander ng armadog pwersa at tapagpagpatupad ng mga patakaran ng gubyerno. “Dapat litisin at patawan ng hustisya ang lahat ng mga responsable,” ayon sa Katribu.
Naganap ang pagdukot at pagtortyur kay Solangon matapos ang isang engkwentro ng 76th IB sa Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro (Lucio de Guzman Command) sa Sityo Balite, Barangay Lumangbayan sa Abra de Ilog noong alas-11 ng umaga ng Nobyembre 26. Hindi bababa sa dalawang sundalo ng 76th IB ang napatay habang hinihinalang maraming iba pa ang nasugatan.
The post Babaeng Mangyan-Iraya, dinukot at tinortyur ng 76th IB sa Occidental Mindoro appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

