Mariing kinundena ng Malaya Movement USA at International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP)-US ang paglagay sa blacklist (listahan ng bawal papasukin) ng gubyerno ng Pilipinas sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao na nakabase sa US.
Sa inilunsad na online press conference ng mga grupo noong Disyembre 9, kinundena nila ang pag-blacklist kina Julie Jamora, pangkalahatang kalihim ng Malaya; Gordon Mutch, Deputy Secretary General-Internal ng ICHRP US at si Copeland Down, vice chairperson ng ICHRP US. Sila ay kabilang sa dumaraming Pilipino at indibidwal na pinagbawalang pumasok sa Pilipinas dahil sa kanilang pagsusulong ng karapatang-tao sa Pilipinas at pagtuligsa sa rehimeng Marcos,
Si Jamora, isang Filipino-American, ay nagbyahe papunta sa Pilipinas noong Nobyembre upang lumahok sa Bayan Peace Mission. Pagdating sa bansa ay agad siyang hinarang ng Bureau of Immigration. Sinabihan siya na nasa blacklist siya at agad na pinabalik sa US. Walang ibinigay na paliwanag sa kanya kung paano at bakit siya nasa blacklist.
Ganito din ang naging karanasan ni Mutch nang pumunta siya sa Pilipinas noong Abril at ni Down noong Oktubre 2024. Ayon sa mga upisyal na kanilang nakausap, ‘confidential’ at ‘matter of national security’ ang dahilan kung bakit sila na-blacklist sa Pilipinas.
Kabilang din sa na-blacklist at pinabalik sa kanilang bansang pinagmulan nang pumunta sila sa Pilipinas ay sina Edna Becher, isang Filipina-Swiss at chaiperson ng Anakbayan-Switzerland noong Disyembre 2023 at si Marikit Saturay, myembro ng Migrante-Netherlands noong Marso 2024. Inakusahan sila na lumahok sa “anti-gubyernong” aktibidad.
Anila, tiyak na dahilan ng kanilang pagblacklist ay dahil sa pagdalo nila sa mga observer sa peace mission sa Pilipinas. Sa mga aktibidad na ito, naging saksi sila sa pandarahas ng estado sa mga katutubo at magsasaka at sa malawakang pandaraya at karaharasan noong eleksyong 2022.
“Nakadudurog ng puso na hindi na ako pwedeng umuwi sa Pilipinas at makita ang aking pamilya at mga kaibigan. Layon ng pagblacklist na takutin ang mga aktibista… pero mas lalo lamang akong naging determinado na lumaban para sa isang demokratiko at malayang Pilipinas. Hindi kaya ng gubyerno ni Marcos na pigilan ako na gawin ang tama,” pahayag ni Jamora.
“Malinaw na pinipigilan ng gubyerno ng Pilipinas ang mga dayuhan na nagsusulong ng karapatang-tao ng mga Pilipino na makapasok sa bansa, at mag-imbistiga sa tunay na nangyayari sa Pilipinas,” paliwanag ni Down.
“Isang kabalintunaan na pinagbabawalan kami na pumasok sa Pilipinas, habang libu-libong sundalong Amerikano ay malayang nakapapasok at kumilos sa bansa,” pahayag ni Mulch.
Bahagi din ng tinalakay sa press conference ang nagpapatuloy na kawalan ng hustisya sa nangyaring tangkang pagpaslang kay Brandon Lee, kasalukuyang Chairperson ng ICHRP at dating boluntir ng Cordillera Human Rights Alliance.
Nananawagan ang mga grupo na tanggalin ang mga aktibista sa blacklist ng gubyerno ng Pilipinas. Panawagan din nila ang hustisya para kay Lee.
The post Pag-blacklist ng gubyerno ng Pilipinas sa mga aktibista mula sa US, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

