Matagumpay na napigilan ng mamamayan ng Dupax del Norte ang planong muling pagbuwag sa barikada laban sa Woggle Corporation noong Disyembre 10. Ito ay matapos muling naglabas ang korte sa pangalawang pagkakataon ng Writ of Preliminary Injunction o kautusan para buwagin ang barikada sa Sityo Keon, Barangay Bitnong noong Disyembre 4.
Sa araw ng implementasyon ng kautusan, muling nagpadala ng dose-dosenang pulis na naka-riot shield ang Nueva Viscaya Provincial Office.
Agad na nagtipon ang mga residente ng barangay, taong simbahan at grupong kontra-mina sa barikada upang harapin ang mga pulis at tauhan ng kumpanya. Sa dayalogo sa pagitan ng sheriff, tauhan ng kumpanya, PNP at ni Atty Fidel Santos, abugado ng grupo na kontra mina, napag-alaman na kulang ang papeles na dala ng sheriff at ng kumpanya. Hindi rin kasama sa kautusan na ang mga residente ay boluntaryong nagbabarikada sa injunction, kaya’t walang batayan upang tanggalin ang barikada. Dahil dito, napilitan ang sheriff na hindi muna ipatupad ang kautusan.
Ayon sa dokumento, muling kinatigan ng korte ang kumpanyang Woggle sa pagbibigay ng kautusan matapos makapagbayad ng kumpanya ng bono sa halagang P1,500,000 noong Disyembre 4.
Unang naglabas ng Writ of Preliminary Injunction ang korte noong Oktubre na humantong sa marahas na pagbuwag ng kapulisan sa barikada at pag-aresto sa 3 residente noong Oktubre 17. Pagkatapos ng insidente ay muling nagtayo ng barikada ang mga residente.
Giit ng mga residente na karapatan nila na magtayo ng barikada upang maprotektahan nila ang kanilang lupa. Nananawagan ang grupong kontra-mina na kilalanin ng korte ang kanilang karapatan at para sa lokal na gubyerno na pumanig sa mamamayan. Nananawagan din sila para sa Woggle Corporation at sa sheriff na sa bagong taon na sila bumalik at kilalanin ang Kapaskuhan.
The post Planong pagbuwag sa barikada laban sa Woggle Corporation, muling napigilan ng mamamayan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

