Mariing kinundena ng Sambilog-Balik Bugsuk Movement at Ateneo Para sa Bugsuk ang nagpapatuloy na pananakot, kriminalisasyon at sapilitang pagpapalayas sa mga residente ng Sityo Marihangin, barangay Bugsuk, Balabac, Palawan.

Noong Disyembre 9, pinadalhan ng patawag mula sa korte ang 282 residente para humarap sa kaso na isinampa sa kanila ng gustong agawin ang kanilang lupa. Layunin nitong palayasin sila sa lugar. Kabilang sa kinasuhan ay mga bata at mga patay na. Ayon sa mga residente, kwestyunable ang mga titulong hawak ng mga nagrereklamo dahil matagal nang kinikilala ang isla bilang lupang ninuno.

Ayon sa grupo, ang pinakabagong kaso ngayon ay isa lamang panibagong paraan para takutin at palayasin ang mga katutubo sa kanilang sariling lupa.

Ilang taaon nang pinipilit ng San Miguel Corporation (SMC) na angkinin ang lupain ng mga katutubong Malbog. Mula Hunyo 2024 hanggang Agosto ngayong taon, ginwardyahan ng 96 na armadong tauhan ng JMV Security Services ang mga katutubo. Dahil tumanggi silang umalis sa lugar, kinasuhan ng grave coercion, direct assault at iilegal fishing ang 20 residente ng sityo. Hanggang sa kasalukuyan ay nakakulong sa Ihawig Penal Colony sa Puerto Princesa ang kanilang lider na si Oscar “Tatay Ondo” Pelayo.

Plano ni Ang, sa pamamagitan ng Bricktree Properties, subsidyaryo ng SMC sa Palawan, na magtayo ng 25,000 ektarya na imprastrukturang panturismo para sa sobrang mayayaman sa Balabac. Nag-umpisa na ang konstruksyon nito sa malaking isla ng Bugsuk.

Nananawagan ang grupo sa lahat ng mamamayan, mga taong simbahan at organisasyon na tumitindig kasama ang mga residente ng Sityo Marihangin. Nananawagan din ito sa lokal na gubyerno ng Palawan, National Commission on Indigenous Peoples, Department of Agrarian Reform at Department of Environment and Natural Resources na sundin sa batas at tamang proseso, tanggalan ng permit ang mga kumpanya at kilalanin ang karapatan ng mga katutubo. Panawagan naman nito sa Commission on Human Rights, sa kongreso at senado na imbestigahan ang mga paglabag sa karapatang-tao sa isla at ang iligal na pagpapalayas sa mga katutubo.

The post Daan-daang katutubong residente sa Palawan, kinasuhan ng mga mang-aagaw ng lupa appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.