Napigilan ng mga organisasyon sa US, sa pangunguna ng Tanggol Migrante Movement ang planong deportasyon sa Pilipinong migranteng si Greggy “Kuya G” Sorio ng Customs and Border Patrol (CBP) kasabwat ang embahada ng Pilipinas noong Disyembre 7.
Sa kabila ng iniinda na sakit ni Kuya G, pinilit ng CBD na ipadeport di Kuya G noong Disyembre 7. Dumaranas siya ng lumalalang pangmatagalang sakit sa bituka, impeksyon sa buto at hirap sa paghinga. May basbas ni Bernice Santayana, Assistance To Nationals (ATN) Officer sa konsulado ng Pilipinas, ang deportasyon.
Agad na naglunsad ang TMM ng kampuhan at hunger strike sa labas NorthWest Detention Center sa Tacoma, Washington upang kundenahin ang planong deportasyon. Nagprotesta rin ang mga organisasyon sa pamumuno ng Bagong Alyansang Makabayan-USA at Malaya USA sa konsulado ng Pilipinas sa San Francisco.
Nagpahayag ng pagkundena sa planong deportasyon sina Katie Wilson, meyor ng Seattle, Emily Randall at Pramila Jayapal, mga kongresista, at ang Promotion of Church People’s Response-Washington.
Tinawagan at nagpadala ng mga bidyu at ulat ang mga manggagawa sa kalusugan na myembro ng TMM sa konsulado ng Pilipinas at sa Philippine Airlines para ipaliwanag ang lumalalang kundisyon ng kalusugan ni Kuya G. Naglunsad din sila ng protesta at noise barrage sa Seattle–Tacoma International Airport. Ayon sa grupo, hindi man nila mapigilan ang deportasyon ni Kuya G, ay nais nilang iparamdam dito na hindi siya nag-iisa sa kanyang laban.
Pagkalipas ng ilang minuto ay pinalabas si Kuya G sa eroplano nang masuri ng medical team ng PAL na hindi siya ‘medically fit’ o wala siya sa katayuan para magbyahe.
Kinabukasan, nakakuha ang mga abugado ni Kuya G ng temporary restraining order mula sa korte na nagbabawal sa Immigration and Customs Enforcement (ICE) na ipadeport siya sa loob ng dalawang linggo.
Ayon sa TMM, ang mga tagumpay na ito ay bunga ng walang tigil na kampanya at pagkilos ng komunidad ng mga Pilipino at organisasyon para kay Kuya G. Gayunpaman, hindi pa tapos ang laban para sa kanyang agarang pagpapagamot at pagpapalaya sa kanya mula sa detensyon sa NWDC.
Nananawagan ang TMM sa ICE at sa Geo Group, ang may ari ng NWDC, na dalhin sa ospital si Kuya G para sa mas komprehensibong matugunan ang kanyang mga sakit. Nananawagan din ang grupo kay Ambassador Romualdez at Consul General Neil Ferrer na harapin nila ang mga mamamayan at tugunan ang karaingan ng mga Pilipinong migrante at kay ATN officer Santayana na magbitiw na sa pwesto.
The post Planong deportasyon sa Migranteng Pilipino ng ICE, napigilan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

