Minamadali ng US ang pagtatayo ng “economic security zone” sa loob ng New Clark City sa Tarlac sa harap ng pagkukumahog nitong lamangan ang China sa produksyong militar at industriyal. Nais nitong humalagpos sa tinatawag nitong sitwasyong “hostage” ng China ang produksyon at merkado ng kritikal na mineral, teknolohiyang militar at artificial intelligence o AI.
Noong Mayo 18, lumapag sa Pilipinas si US Undersecretary of State for Economic Affairs Jacob Helberg sa Tarlac para pasinayaan ang proyekto. Kasama ang mga upisyal ng Pilipinas mula sa Department of Trade and Industry at Bases Conversion and Development Authority, pormal nilang isinapubliko ang marker o pananda para sa itatayong 4,000-acre (1,620 ektarya) na “economic security zone.”
Itinuturing ng US bilang kauna-unahang “AI-native industrial acceleration hub” sa ilalim ng Pax Silica ang eco-security zone na ito. Mayroon nang mahigit 20 malalaking kumpanyang Amerikano ang nagsabing mamumuhunan dito. Ang sona ay eksklusibo para sa mga kumpanya ng US at sa mga iimbitahan nitong kaalyado.
Habang itinatanggi ng mga upisyal ng Pilipinas na ipaiilalim ang sona na ito sa hurisdiksyon ng US, nakatakda namang gawaran nito ang mga kumpanyang Amerikano ng “enhanced operational certainty.” Ibig sabihin, bibigyan ng Pilipinas ng ligal na garantiya ang bilyun-bilyong dolyar na pamumuhunan at operasyon ng mga kumpanyang Amerikanong sa loob ng sona. Titiyakin nitong hindi maapektuhan ang mga kumpanya sa anumang “pabago-bagong patakaran, burukrasya, o lokal na kaguluhan sa Pilipinas.”
Sa halip na lokal na batas, ipaiilalim ang mga kontrata rito sa mga internasyunal na pamantayan at proseso. Hindi dadaan ang mga ito sa “kumplikadong regulasyon” ng mga lokal na ahensya. Kung magkaroon ng hidwaan o kaso, ang paglilitis o pag-resolba ay hindi dadaan sa sistema ng hukuman sa Pilipinas, kundi sa mga mekanismo ng internasyunal na arbitrasyon.
Mariing kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan ang rehimeng Marcos sa “pagbebenta” nito sa teritoryo at yaman ng bansa sa imperyalismong US. Tinawag nito ang eco-security zone bilang isang engklabong hiwalay sa kontrol ng bansa.
Ang pagbisita ni Helberg “ay naglilinaw sa tunay na adyenda sa likod ng tinatawag na estratehikong kasunduan sa pagitan ng US at ng rehimeng Marcos Jr,” ayon sa Bayan. “Inilalako nito ang Pax Silica bilang teknolohikal na pag-unlad at seguridad sa ekonomya, pero ang tunay na isinusulong nito ay ang isang mas malalim na anyo ng dayuhang dominasyon.”
Anito, pinagsisilbi ni Marcos sa interes ng US ang malalawak na lupain ng Pilipinas sa pamamagitan ng Luzon Economic Corridor, ang mga kritikal na industriya, at pambansang patakaran sa heyopulitikal at militar.
Nagbabala rin ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na ang eco-security zone na ito at ang kaakibat na mga kasunduan sa mineral ay magpapabilis sa kontrol ng dayuhan sa likas na yaman ng bansa.
“Inihahain ng gubyernong Marcos ang ating lupa, lakas-paggawa, at yamang mineral para sa produksyong militar at interes ng mga korporasyon ng US,” anito. “Sa halip na magtayo ng tunay na mga industriyang Pilipino, ang bansa ay muling ibababa sa pagiging tagasuplay lamang ng mga hilaw na materyales at murang lakas-paggawa.”
The post Pagtatayo ng “Pax Silica weapons hub” sa Tarlac, minamadali ng US appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

