Pumasok na sa pansampung araw ang pangkalahatang welga at mga barikada ng mga manggagawa at katutubong mamamayan sa Bolivia. Inilunsad nila ito para itulak ang pagbibitiw ng maka-US na pangulo ng bansa na si Rodrigo Paz at itakwil ang kanyang mga anti-mamamayang patakaran. Sa kasalukuyan, paralisado ang maraming malalaking syudad sa bansa, kabilang ang kabisera, dahil sa mahigit 70 barikada na itinayo ng mga welgista sa pangunahing mga haywey sa buong bansa. Pinangunahan ang welga ng mga katutubong organisasyon at ng malalaking unyon ng manggagawa, kabilang ang Bolivian Workers’ Center (COB).

Naging mitsa ng welga ang lumalalang krisis sa ekonomya at bumabagsak na kalidad ng buhay. Matindi ang naging epekto ng kakulangan at mababang kalidad ng gasolina at krudo (fuel shortages) sa bansa. Paralisado ang transportasyon at bumilis ang implasyon tungong 14%. Pinakamatarik ang pagtaas ang mga presyo ng pagkain.

Sa harap nito, iginiit ng mga unyon, laluna ng mga unyon ng minero, ang makatarungang pagtaas ng sahod para makaagapay sa implasyon. Bukod dito, mariing tinutulan ng mga unyon ang planong ipatupad ng rehimeng Paz na neoliberal at maka-dayuhang mga patakaran sa agrikultura, edukasyon, at paggawa na tiyak na pipinsala sa ordinaryong mamamayan.

Kabilang sa mga ito ang mga panukalang magbibigay-daan sa pagkontrol ng malalaking korporasyon sa mga lupa ng maliliit at katutubong magsasaka, magtatanggal sa mga proteksyon sa mga katutubo, magtatanggal sa subsidiyo sa langis, pribatisasyon ng mga pampublikong korporasyon, at magkakaltas sa badyet para sa mga pampublikong serbisyo. Batid ng mga welgista na ang mga hakbang na ito ay tulak ng imperyalismong US.

Tahasang kinundena ng mga manggagawa ang pagiging sunud-sunuran ng nakaupong rehimen sa mga dikta ng US. Malinaw sa kanila na ang pagpabor ng rehimeng Paz sa US at mga dayuhang kumpanya ay pagtataksil sa soberanya ng bansa.

Lalo pang ikinagalit ng mga welgista ang tahasang pagsuporta ng US sa pambubuwag at pamamasista ni Paz sa mga pagkilos. Batid nilang sinusuhayan ng US ang rehimen dahil susi ito para madambong ang likas na yaman ng Bolivia. Kinundena nila ang panghihimasok ng US sa bansa, kabilang ang bantang kidnapin si Evo Morales, anti-imperyalistang lider at dating presidente ng Bolivia.

Pinaglalawayan ng US ang Bolivia dahil sa reserbang lithium nito na pinakamalaki sa buong mundo. Bahagi ito ng tinatawag na Lithium Triangle sa South America kasama ang Argentina at Chile. Sila ang tatlong bansa na nagmamay-ari ng mahigit 50% ng kabuuang lithium sa buong mundo.

The post Mamamayang Bolivian, nakawelga para patalsikin ang maka-US na presidente ng bansa appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.